ABSTRACT:
The essay examines the transformative power of cinema in narrating and inspiring revolutionary movements, focusing on the Filipinos’ struggle against various colonial and authoritarian regimes. Utilizing Getino and Solanas’ notion of “Third Cinema,” the essay explores how film transcends mere entertainment to become a potent tool for social change and political enlightenment. By surveying key cinematic works that depict the Philippine revolutions against Spanish, American, and Japanese colonization, as well as the resistance against martial law, the essay highlights the unique capacity of cinema to educate, mobilize, and galvanize oppressed communities. It underscores the enduring relevance of revolutionary storytelling in film as a catalyst for awareness and action, fostering a deeper understanding of historical and contemporary struggles for freedom and justice.
Keywords: Philippine cinema, Third cinema, postcolonialism, film genres, martial law
May kasabihang nagsasaad na ang kasaysayan ay sinusulat ng nagwagi sa digmaan. Sa larangan ng pelikula, ang kasaysayan ay nasa kamay ng may hawak ng kamera. Gayon nga ang nangyari sa ating kasaysayan ng pelikula. Nang lumabas sa New York Times ang balitang sinakop ng Estados Unidos ang Pilipinas at nagkaroon ng sagupaan sa iba’t ibang sulok ng bayan, agad gumawa ng kanilang istorya ang mga alagad ng Edison Films. Gumawa agad ang Edison Films ng kanilang mga pelikula ng mga engkwentro sa pagitan ng mga Amerikano at Pilipino, mga pelikulang hango sa kanilang imahinasyon. Kailangang ipalabas agad sa mga manonood ang tagumpay ng Amerika sa ibayong dagat, kaya di na hinintay na makarating sa Pilipinas ang mga cameraman ng Edison Films. Ginawa ang maiikling pelikulang ito sa New Jersey.
Sa mga pelikulang ito, matagumpay na iwinawagayway ang bandila ng Estados Unidos. At ang mga sundalong Pilipino ay laging talunan. Bagsak ang kanilang bandila na isang kapirasong tela lamang na mahirap uriin dahil hindi pa alam ng mga Amerikano kung ano ang itsura ng bandila ng bayang sinasakop nila. Ang ganitong istorya ang karaniwang takbo ng mga maiikling pelikulang Edison, gaya ng Advance of Kansas Volunteers at Caloocan (White, 1899), U.S. Troops and Red Cross in the Trenches at Caloocan (White, 1899), Filipinos Retreat from Trenches (White, 1899), at Capture of Trenches at Candaba (White 1899).
May istorya ring nilangoy ng isang Col. Funston ang ilog sa Bagbag, isang maliwanag na pagmamalaki ng kagitingan ng sundalong Amerikano (White, “Col. Funstan [sic] Swimming the Baglag [sic] River,” 1899). Kinunan din ang mga sundalong Amerikano na lulan sa malalaking bapor patungong Pilipinas – at ang tinaguriang “navy” ni Emilio Aguinaldo na lulan sa maliliit na bangka (White, “Troop Ships for the Philippines,” 1898; “Aguinaldo’s Navy,” 1900). Minaliit ang Pilipino, pinalabas na talunan sa kathang pelikula.
Nang matutunan ng Pilipino ang kamera at paggawa ng pelikula, nagkaroon ng pagkakataon ang Pilipino na ilahad ang kanyang istorya. Isa sa mga pangunahing direktor na Pilipino noong dekada 1920 ay si Julian Manansala. Kung titingnan ang mga titulo ng kanyang mga pelikula, mukhang tinalakay niya ang mga isyung mahalaga sa bayan noong panahong iyon. Ang kanyang unang pelikula na pinamagatang Patria Amore (1929) ay naging kontrobersyal sapagkat tinalakay nito ang mga pang-aabusong naranasan ng mga Pilipino sa kamay ng mga Kastila. Nabahala diumano ang komunidad ng mga Kastila at sinubukan nilang ipatigil ang pagpapalabas nito ngunit hindi sila pinagbigyan ng korte (Salumbides, 1952, p. 15) Sa kasamaang-palad ay walang kopya ng pelikulang ito, kaya walang masasabi tungkol sa nilalaman ng pelikula at ng kalidad nito.
Mula noon, hindi na napigil ang pagsasapelikula ng mga istorya, damdamin, at pangarap ng Pilipino. Sa listahan ng mga pelikula ng iba’t ibang kompanya sa ating bayan na ginawa ng Society of Filipino Archivists for Film (SOFIA) para malaman ang kalagayan ng mga pelikulang Pilipino, umabot sa mahigit 3,000 pelikula ang filmograpiya. Iba’t ibang uri ng pelikula ang nasa listahan, iba’t ibang genre. May mga kopyang mapapanood pa; ngunit ang kalagayan ng ibang pelikula ay nakalulungkot. Ang iba’y hindi na kumpleto; ang iba’y masama na ang kondisyon at amoy suka na (ang tinatawag na “vinegar syndrome”); ang iba’y wala na.
Bukod sa listahan ng SOFIA, tiningnan ko rin ang URIAN, ang antolohiya ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, na may filmograpiya ng mga pelikulang ginawa sa bawat dekada, mula dekada ’70 hanggang ’90.
Kung pag-aaralan ang pelikula at ang pakikipaghamok ng Pilipino para sa kalayaan at pagbubuo ng isang bayan, marami-rami ring halimbawa ang magagamit. Maaaring ikategorya ang mga pelikulang ito sa sumusunod: 1) panahon ng kolonisasyon sa ilalim ng Espanya hanggang sa pumasok ang Estados Unidos at pinamahalaan ang bayan; 2) panahon ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig at mga sumunod na dekada; 3) panahon ng diktadurya sa ilalim ni Marcos; at 4) mga pelikulang tinatalakay sa kasalukuyang panahon ang isyu ng kalayaan, bayan, di pagkakaisa, at kawalan ng katarungan.
Unang Kategorya
Ang unang kategorya ay may kinalaman sa panahon ng kolonisasyon sa ilalim ng Espanya, at patuloy na paghahari ng Estados Unidos. Mula sa mga pelikulang LVN, kabilang sa kategoryang ito ang Dagohoy (1953), sa direksyon ni Gregorio Fernandez, at Lapu-Lapu (1955), sa direksyon ni Lamberto Avellana. Noong dekada ’60, ginawa naman ni Gerardo de Leon ang Noli Me Tangere (1961) at El Filibusterismo (1962), ang kanyang pagsasapelikula ng dalawang nobela ni Jose Rizal. Mula sa dekada ’70, maaring isama ang Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? (1976), sa direksyon ni Eddie Romero. Noong sentenyal ng kamatayan ni Rizal ay ginawa ang Rizal sa Dapitan (1997), sa direksyon ni Tikoy Aguiluz; Jose Rizal (1998), sa direksyon ni Marilou Diaz-Abaya; Bayaning 3rd World (1999), sa direksyon ni Mike de Leon. Sa mga pelikulang mula sa bagong milenyo, mabibilang ang Heneral Luna (2015) at Goyo: Ang Batang Heneral (2018), kapwa sa direksyon ni Jerrold Tarog.
Pangalawang Kategorya
Pagkatapos ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig, di kataka-takang ilang pelikula ang ginawa na tumatalakay sa panahong iyon. Ilan sa mga pelikulang ito ay ginawa ng LVN. Tinatag ang LVN noong taong 1938, ngunit natigil ang produksyon nang mag-umpisa ang digmaan. Bumangon ang LVN at ilan pang kompanya ng pelikula mula sa abo ng giyera noong kalagitnaan ng dekada ’40. Ilan sa mga pelikulang ginawa ng LVN na may kinalaman sa Pangalawang Digmaang Pandaigdig at sa mga sumunod na taon ay Victory Joe (1946), sa direksyon ni Manuel Silos. Sinundan ito ng The Voice of Freedom (1946), sa direksyon ni Ramon Estella; Capas (1949), sa direksyon ni Gregorio Fernandez; Hantik (1950), sa direksyon ni Lamberto Avellana; Candaba (1950), sa direksyon ni Gregorio Fernandez. Mabibilang din ang mga pelikula noong pagkaraan ng digmaang pandaigdig, gaya ng Korea (1952) na sinulat ni Benigno “Ninoy” Aquino, Jr.; Huk sa Bagong Pamumuhay (1953); at Anak Dalita (1956), mga pelikula ni Lamberto Avellana.
Pangatlong Kategorya
Kabilang sa ikatlong kategorya ang mga pelikula tungkol sa panahon ng diktadurya sa ilalim ni Ferdinand Marcos. Isa sa mga pelikulang ito ay ang Eskapo: The Geny Lopez-Sergio Osmeña Story (1995) ni Chito S. Roño. Sina Lopez at Osmeña ay pinaratangang nagplano ng asasinasyon ni Marcos kaya kinulong sila. Mabibilang din sa kategoryang ito ang Dekada ’70 (2002), mula sa nobela ni Lualhati Bautista at sa ilalim pa rin ng direksyon ni Roño. Ang istorya ay umiikot sa buhay ng isang pamilya na ang isa sa mga anak ay naging biktima ng diktadurya. Mula sa bagong milenyo ay ang Liway (Oebanda, 2018) na tinampok sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival. Ang Liway ay hango sa karanasan ng mismong direktor ng pelikula na si Kip Oebanda at ng kanyang ina na nakulong noong panahon ng diktadurya. Ilang dokumentaryo rin ang ginawa ukol sa diktadurya ni Marcos, gaya ng Signos (de Leon, 1983) na ginawa ng Concerned Artists of the Philippines, at Batas Militar (Red, 1997) na produksyon ng World People Power Foundation at prinodyus ni Kara Magsanoc. Ngayong nasa administrasyon muli ang pamilya Marcos, may ilang pelikulang ginawa para tingnang muli ang kasaysayan at baguhin ang kasaysayan; nangunguna rito ang Maid in Malacañang (2022), sa direksyon ni Darryl Yap, ang ipinagmamalaking direktor ng streaming platform na Vivamax.
Pang-apat na Kategorya
Sa kategoryang ito, tinatalakay ang isyu ng kalayaan at pagiging isang bansa sa kasalukuyang panahon. Ano ang kahulugan ng kalayaan ngayon? May kahulugan ba ang pagiging isang bansa? May kalayaan ba kung laganap ang kahirapan at kawalan ng hustisya? May pagkakaisang-bayan ba kung may pagkakawatak-watak? Ilan sa mga pelikulang kabilang sa kategoryang ito ay mga pelikula tungkol sa isyu sa Mindanao: Diligan Man ng Dugo (1993), isang aksyon-drama sa direksyon ni Jose “Kaka” Balagtas at pinangungunahan ni Anthony Alonzo; Isang Lahi, Isang Dugo sa Lupang Pangako (1998), isa ring pelikulang aksyon sa direksyon ni Jhun Ortega, at pinangungunahan ni Dante Varona; Lagablab sa Lupang Pangako (1982), tungkol sa pangangamkam ng lupa sa Mindanao, sa direksyon ni Jose Miranda Cruz; Maguindanao (1982), sa direksyon ni Diego Cagahastian, tungkol sa planong hiwalay na Muslim state; Anak ng Sultan (1983), sa direksyon ni Jerry Tirazona. Kabilang din sa kategoryang ito ang mga pelikula tungkol sa kalagayan ng mga magsasaka, kahirapan sa lungsod, kawalan ng hustisya, at pang-aabuso ng gobyerno. Kabilang dito ang Alex Boncayao Brigade (1989) ni Joey del Rosario, na tinatalakay ang papel ng New People’s Army (NPA) laban sa korapsyon at pang-aabuso ng gobyerno; Demolisyon (Dayuhan sa Sariling Bayan) (1995) sa direksyon ni Roland Ledesma, tungkol sa sitwasyon sa mga slum area; Diligin Mo ng Hamog ang Uhaw na Lupa (1975), direksyon ni Augusto Buenaventura, na tumatalakay sa kalagayan ng mga aping magsasaka; Sister Stella L (1984), direksyon ni Mike de Leon, tungkol sa manggagawa, kawalan ng hustisya, at ang kahalagahan ng unyon; Bayan Ko, Kapit sa Patalim (1985), direksyon ni Lino Brocka, na umiikot din sa kalagayan ng mga manggagawa; Balweg, The Rebel Priest (1987), direksyon ni Butch Perez, tungkol sa buhay ni Conrado Balweg, isang dating pari ng simbahang Katoliko na naging rebelde at tagapagtatag ng Cordillera People’s Liberation Army (CPLA); Kumander Dante (1988), direksyon ni Ben Yalung, tungkol naman kay Bernabe Buscayno, alyas Ka Dante, lider ng NPA; Walang Panginoon (1989), direksyon ni Mauro Gia Samonte, tungkol pa rin sa NPA at problema ng mga magsasaka sa lupa.
Baril at Pelikula
Marami sa mga pelikulang mabibilang sa apat na kategorya ay aksyon-drama. Sa mga engkwentro ng mga nagsasagupaang militar at rebelde, ang karaniwang sandata ay ang baril. Bagay na bagay ito sa pelikula, dahil di bago sa pelikula ang barilan. At may kuneksyon ang kamera sa baril. May mga terminong ginagamit sa pagsasapelikula na hango sa baril, halimbawa shooting. Ang bawat kuha ay tinatawag na shot. May uri ng mikropono na tinatawag na shotgun microphone. At isa sa pinakamaagang disenyo ng kamera ay mukhang riple, kaya tinawag itong photo gun.
Ngunit may malaking pagkakaiba ang kamera sa baril. Ang hangarin ng taong kumakalabit sa gatilyo ay pumatay, tapusin ang kalaban, Ang hangarin naman ng taong ginagamit ang kamera ay lumikha – lumikha ng imahe, lumikha ng istorya, lumikha ng pelikulang makabubuo ng mensahe.
Ngunit hindi malaya ang filmmaker na basta-basta na lamang lumikha o idaan sa pelikula ang kanyang istorya at mensahe. Sa isang maikling pelikula na pinamagatang The Art of Cinema, binanggit ni Andrei Tarkovsky ito: “Cinema is an unlucky art as it depends on money” (TheGaroStudios, 2020, 00:54). Karamihan sa libu-libong pelikulang Pilipino ay produksyon sa mainstream o sentro ng industriya, kung saan ang unang-unang layunin ay gumawa ng pera sa pamamagitan ng pelikula. Ganito rin ang kalagayan sa telebisyon sa ating bayan na umaasa sa anunsiyo o isponsor para magawa ang mga programa. Ang medyum, sa madaling salita, ay isang komoditi. Kaya sa mga pelikulang nabanggit ko na tumatalakay sa isyu ng kalayaan at pagiging-isang bansa, karamihan ay nakasalalay sa pangunahing aktor o istar, at karamihan sa mga pelikulang ito ay aksyon-drama. Mapapansin na ang mga aktor ay mga action stars. Hindi naiiba ang takbo sa telebisyon. Noong 2017, nagprodyus ang GMA Public Affairs ng espesyal na programa para gunitain ang batas militar. Ang Alaala: A Martial Law Special (Caringal, 2017) ay isang docu-drama tungkol kay Boni Ilagan, isang aktibista noong panahon ng diktadurya. Bagamat may mga panayam sa mga tunay na personahe gaya nina Boni Ilagan at Pete Lacaba, at dahil kailangang nakaaaliw ang drama at may atraksyon, ang gumanap na Boni Ilagan sa drama ay si Alden Richards, si Pete Lacaba ay ginampanan ni Rocco Nacino, at ang kapatid ni Boni Ilagan ay ginampanan ni Bianca Umali. Matatandaan din ang teleseryeng Maria Clara at Ibarra (Atienza, 2022-2023) na ang mga pangunahing tauhan ay ginampanan nina Barbie Forteza, Julie Anne San Jose, Dennis Trillo, at David Licauco. Kung ito’y magiging walang kabuluhang aliwan o makabuluhang aliwan, iyon ang hamon sa gumagawa.
Ngunit may ibang pelikula naman na ginagawa sa labas ng sentro ng industriya, ito ang mga pelikulang nasa gilid ng industriya at mga pelikulang tahasang nasa labas ng industriya, ang mundo ng independent filmmaking. Sa gilid ng industriya, lalung-lalo na sa labas ng industriya, may pagkakataong gumawa ang filmmaker ng pelikulang may ambisyon ng sining o pelikulang may kabuluhan. Ilan sa mga pelikulang ito ang Noli Me Tangere (1961) at El Filibusterismo (1962) ni Gerardo de Leon, Jose Rizal (1998) ni Marilou Diaz-Abaya, Dekada ’70 (2002) ni Chito Roño, Bayaning 3rd World (1999) ni Mike de Leon, at iba pa.
Pelikula at Ilusyon
Ang isa pang katotohanan na dapat harapin ay ang katunayang ang pelikula ay pelikula. Ito ay representasyon ng mundo, ng istorya, ng ideya ng mga filmmaker. Ito ay hindi kasaysayan. Sa kanyang introduksyon sa Whirlwinds of Dust (The Fall of Antonio Luna), ang dulang pampelikulang sinulat nina Henry Francia at Eduardo Rocha at siyang pinagmulan ng pelikulang Heneral Luna, idiniin ni Nick Joaquin na “History is most often viewed from the particular bias of an individual interpreting events through the prism of his own lens so that there may be as many ‘histories’ as there are historians” (Francia & Rocha, n.d.) At dinugtong niya na ang pelikulang nagmumula sa kasaysayan ay gumagamit ng “dramatic license and speculation.” Gayon nga ang dulang pampelikulang nina Rocha at Francia. Ang kongklusyon ni Nick Joaquin, “This screenplay, like the film that will be made from it, is illusion. Enjoy it.” (Francia & Rocha, n.d.)
Teorya ng Pangatlong Cinema
Kung ilusyon nga ang pelikula, ano ang kahihinatnan ng mga pelikulang nagmumula sa kasaysayan? Ano ang mapupulot natin sa mga pelikulang ito?
Marahil, makatutulong ang teorya ng Pangatlong Cinema na nagsimula sa Latin America noong dekada sisenta. Sinulat ng mga Latinong filmmaker gaya nina Jorge Sanjines at Octavio Getino, ang kaibhan ng Pangatlong Cinema. Binilang nila sa Unang Cinema ang mga pelikulang Hollywood, ang mga pelikulang komersyal. Binansagan naman nilang Pangalawang Cinema ang mga pelikula ng mga awtor o auteur films. Ang Pangatlong Cinema ay ang cinema ng dekolonisasyon, o ang matatawag nating tunay na pelikulang malaya. Ang isa pang mahalagang ideya ay ang tungkol sa layon ng pelikula. Sa Pangatlong Cinema, ang tunay na layon o layunin ng pelikula ay wala sa loob ng teatro; ang dapat pagtuunan ng pansin ay ang buhay sa labas ng teatro, sa labas ng tahanan, ang buhay sa tunay na mundo (Getino & Solanas, 1970). Ang pelikula ay paraan lamang para maabot ang tunay na buhay sa labas. Kailangang takasan natin ang sinasabing “ilusyon” ng pelikula at harapin ang tunay na buhay, ang realidad sa ating paligid. Kaya hindi dapat matapos sa panonood ng pelikula ang pelikula. Kailangang pag-usapan ito, suriin, pag-aralan ang kuneksyon nito sa buhay at, sa kalaunan, kumilos upang baguhin ang kalagayan sa paligid.
Pelikulang Dokumentaryo
Kung gayon, kailangang burahin ang “ilusyon.” Ang isang uri ng pelikula na maaring maglapit sa atin sa realidad ay ang pelikulang dokumentaryo. Bagamat ang dokumentaryo ay nagmumula pa rin sa perspektiba ng filmmaker, mas malapit ang dokumentaryo sa tunay na buhay, sapagkat ang mga elemento ng dokumentaryo ay mga tunay na tao, tunay na lugar, tunay na pangyayari. Mas direkta ang kuneksyon ng kamera sa kinukunan, dahil hindi kailangan ang mga elementong kadalasa’y ginagamit sa mga pelikulang kathang-isip gaya ng aktor, iskrip, at disenyo. Ang filmmaker lamang ang namamagitan sa kamera at tunay na buhay. Ang materya ng dokumentaryo ay ang buhay sa pananaw ng filmmaker.
Nabanggit ko na ang mga dokumenaryong Signos at Batas Militar. Maidaragdag pa rito ang Imelda (2003) ni Ramona Diaz. May ilang pelikula rin tungkol kina Marcos na gawa ng mga banyaga, gaya ng Coup d’Etat: The Philippine Revolt (Couchman, 1986), The Kingmaker (2019) ni Lauren Greenfield tungkol kay Imelda, ang reyna sa likod ng diktador at ng anak na ngayo’y pangulo, at Imelda and Ferdinand: Exile in Hawaii (Saupe, 2019) tungkol sa buhay ni Marcos pagkatapos na mapatalsik sa Pilipinas. Ang mga dokumentaryong nakatawag-pansin na mabibilang sa Pang-apat na Kategorya ay ang Aswang (2019) ni Alyx Ayn Arumpac, tungkol sa mga biktima ng tokhang, at A Thousand Cuts (2020) ni Ramona Diaz, tungkol kay Maria Ressa ng Rappler at ang isyu ng kalayaan sa pamamahayag.
Noong 1977, ginawa namin ang dokumentaryong Lupa, tungkol sa isyu ng reporma sa lupa. Pumasok sa isip ko ang dokumentarying ito dahil, sa tingin ko, nagbigay ito ng isang karanasang mapalapit sa ilang yugto ng kasaysayan. Nakapanayam namin ang asawa ni Pedro Calusa, ang lider ng mga Colorum. Nakausap din namin sina Luis Taruc at Jesus Lava at ikinuwento nila ang kilusang Huk. At nakausap din namin ang isang bayani ng Kilusang Sakdalista. Noong dekada trenta, bumangon ang Sakdalista upang ipaglaban ang karapatan ng mga magsasaka at sagupain ang kawalan ng katarungan. Kabilang dito si Generala Salud Algabre, na may mensahe at hamon sa bayan. Nang tanungin ko siya kung ano ang nangyari sa Kilusang Sakdal, kung paano ito nagtapos, mukhang nagtaka si Salud Algabre sapagkat wala sa isip niya na tapos na ang kilusan. “Hindi, hindi iyon natapos. Walang katapusan ‘yon.” Sandaling katahimikan, pagkatapos, sinabi niya nang malinaw at walang pag-aalinlangan, “Ang simulain… walang katapusan.”
Sa pagbabalik-tanaw na ito, napakinggan kong muli ang awit na nilikha namin ni Max Jocson para sa dokumentaryong “Lupa.” Ito ang simula ng awit:
Kapatid…
Masdan mo ang tahimik na kabukiran,
Alaala ng labanang walang patlang,
Alaala ng dugo’t luha ng bayan,
Sa ngalan ng minimithing kalayaan.
Huwag kalilimutan ang kasaysayan,
Patuloy na pakikibaka ng bayan,
Upang wakasan ang walang katarungan,
Upang wakasan ang walang katarungan.
Hindi nasilayan ni Elias ang bukang-liwayway; nanatiling isang pangarap ang hangarin ni Heneral Antonio Luna na makamit ang kalayaan para sa bayan; patuloy ang lumalaking agwat ng mayaman sa mahirap. Ngunit maaaring buhayin ang kanilang mga kasaysayan sa pelikula at umasang makatutulong ang mga ito tungo sa pagkamulat ng sambayanan. At sana’y magkaroon ng lakas upang ipagpatuloy ang nasimulan sa kasaysayan sa labas ng teatro. Hindi tapos ang laban. Ang simulain ay walang katapusan.
Talasanggunian
Achacoso, D., Cuaresma, J., de Leon, M., Lacaba, J.F., Lee, R., Mayuga, S., Tiongson, L., &
Zarrate, J. (Directors). (1984). Signos [Signs] [Documentary Film]. Concerned Artists of the Philippines and Asia Visions.
Aguinaldo’s navy [Film]. (1900). American Mutoscope & Biograph.
Aguiluz, T. (Director). (1997). Rizal sa Dapitan [Rizal in Dapitan] [Film]. Independent
Cinema Association of the Philippines and Movpix International.
Arumpac, A. (Director). (2019). Aswang [Monster]. Cinematografica and Les productions de
l’oeil sauvage.
Avellana, L. (Director). (1950). Hantik [Film]. LVN Pictures.
Avellana, L. (Director). (1952). Korea [Film]. LVN Pictures.
Avellana, L. (Director). (1953). Huk sa bagong pamumuhay [Huk under a new lifestyle]
[Film]. LVN Pictures.
Avellana, L. (Director). (1955). Lapu-lapu [Film]. LVN Pictures.
Avellana, L. (Director). (1956). Anak dalita [Child of sorrow] [Film]. LVN Pictures.
Balagtas, J. (Director). (1993). Diligin man ng dugo [Sprinkled with blood] [Film]. ATB-4
Films.
Bradbury, D. (Director). (1986). Coup d’etat: The Philippines revolt [Documentary film]. ABC
News and Public Affairs and Australian Broadcasting Corporation.
Brocka, L. (Director). (1984). Bayan ko: Kapit sa patalim [My country: Cling to a knife]
[Film]. Malaya Films and Stéphan Films.
Buenaventura, A. (Director). (1975). Diligin mo ng hamog ang uhaw na lupa [Water the thirsty
earth with dew] [Film]. JE Productions.
Cagahastian, D. (Director). (1982). Magindanao [Film]. East West International Films.
Caringal, C. (Executive Producer). (2017). Alaala: A martial law special [TV Special]. GMA Public Affairs.
Cruz, J.M. (Director). (1982). Lagablab sa lupang pangako [Fire in the promised land] [Film].
Mindanao Films.
de Leon, G. (Director). (1961). Noli me tangere [Film]. Bayanihan Film Productions and Arriba Productions.
de Leon, G. (Director). (1962). El filibusterismo [Film]. Bayanihan Film Productions and Arriba Productions.
de Leon, M. (Director). (1984). Sister Stella L [Film]. Regal Films.
de Leon, M. (Director). (1999). Bayaning 3rd world [3rd world hero] [Film]. Cinema Artists Philippines.
del Mundo, C., Jr. (Director). (1977). Lupa [Land] [Documentary film].
del Rosario, J. (Director). (1988). Alex Boncayao brigade [Film]. Olympia Pictures.
Diaz, R. (Director). (2003). Imelda [Documentary film]. Big Swing Productions.
Diaz, R. (Director). (2020). A thousand cuts [Documentary film]. CineDiaz and Concordia Studio.
Diaz-Abaya, M. (Director). (1998). Jose Rizal [Film]. GMA Films.
Estella, R. (Director). (1946). Voice of freedom [Film]. LVN Pictures.
Fernandez, G. (Director). (1949). Capas [Film]. LVN Pictures.
Fernandez, G. (Director). (1950). Candaba [Film]. LVN Pictures.
Fernandez, G. (Director). (1953). Dagohoy [Film]. LVN Pictures.
Getino, O., & Solanas, F. (1970). Toward a Third Cinema. Cineaste 4.3, Winter 1970, 1-10.
Greenfield, L. (Director). (2019). The kingmaker [Documentary film]. Evergreen Pictures.
Ledesma, R. (Director). (1995). Demolisyon (Dayuhan sa sariling bayan) [Demotion (A
foreigner in his own country)] [Film]. Sunlight Films.
Manansala, J. (Director). (1929). Patria amore [Film].
Oebanda, K. (Director). (2018). Liway [Film]. Cinemalaya.
Ortega, J. (Director). (1998). Isang lahi, isang dugo… Sa lupang pangako [One race, one blood… In
the promised land] [Film]. Goldrock Films International.
Perez, B. (Director). (1987). Balweg: The rebel priest [Film]. Viva Films.
Red, J. (Director). (1997). Batas military [Martial law] [Documentary Film]. Foundation for
Worldwide People Power.
Rocha, E.A. & Francia, H. (n.d.). Whirlwinds of dust (The fall of Antonio Luna). [Unproduced
screenplay].
Romero, E. (Director). (1976). Ganito kami noon… paano kayo ngayon? [This is how we were
before, how are you doing now?] [Film]. Hemisphere Pictures.
Roño, C.S. (Director). (1995). Eskapo: The Geny Lopez-Sergio Osmeña Story [Escape: The
Geny Lopez-Sergio Osmeña Story] [Film]. Star Cinema.
Roño, C.S. (Director). (2002). Dekada ’70 [The seventies] [Film]. Star Cinema.
Salumbides, V. (1952). Motion Pictures in the Philippines.
Samonte, M.G. (1989). Walang panginoon [No god] [Film]. Seiko Films.
Saupe, J. (Director). (2019). Imelda and Ferdinand: Exile in Hawaii [Documentary film]. Hawaii
News Now.
Silos, M. (Director). (1946). Victory Joe [Film]. LVN Pictures.
Society of Filipino Archivists for Film. (n.d.). Catalog of films in Philippine archives.
Tarog, J. (Director). (2015). Heneral Luna [General Luna] [Film]. TBA Studios and Artikulo
Uno Productions.
Tarog, J. (Director). (2018). Goyo: Ang batang heneral [Goyo: The boy general] [Film]. TBA
Studios, Artikulo Uno Productions, and Globe Studios.
TheGaroStudios. (2020, January 30). The art of cinema [Video]. Youtube.
Tiongson, N. G. (ed.). (1983). The URIAN anthology: 1970-1979. Manuel L. Morato.
Tiongson, N. G. (ed.). (2001). The URIAN anthology: 1980-1989. Antonio P. Tuviera.
Tiongson, N. G. (ed.). (2010). The URIAN anthology: 1990-1999. The University of the
Philippines Press.
Tirazona, J. (Director). (1983). Anak ng sultan [Son of the sultan] [Film]. Bukang Liwayway
Films and Bagong Silang Films.
White, J. H. (Director). (1898). Troop ships for the Philippines [Film]. Edison Manufacturing
Company.
White, J. H. (Director). (1899). Advance of Kansas volunteers at Caloocan [Film]. Edison
Manufacturing Company.
White, J. H. (Director). (1899). Capture of trenches at Candaba [Film]. Edison Manufacturing
Company.
White, J. H. (Director). (1899). Colonel Funston swimming the Baglag river [Film]. Edison
Manufacturing Company.
White, J. H. (Director). (1899). Filipinos retreat from trenches [Film]. Edison Manufacturing
Company.
White, J. H. (Director). (1899). U.S. troops and Red Cross in the trenches before Caloocan
[Film]. Edison Manufacturing Company.
Yalung, B. (Director). (1988). Kumander Dante [Commander Dante] [Film]. Cine Suerte.
Yap, D. (Director). (2022). Maid in Malacañang [Film]. Viva Films.
ABOUT THE AUTHOR:
Clodualdo del Mundo, Jr. is a distinguished screenwriter, film director, scholar, and Professor Emeritus in the Department of Communication at De La Salle University Manila. He holds a PhD in Communication Studies from the University of Iowa and an MA in Radio, Television, and Film from the University of Kansas. del Mundo is renowned for his screenplay of Maynila, Sa Mga Kuko ng Liwanag (Manila, in the Claws of Light) (1975/Director: Lino Brocka) and his screenplay collaborations with director Mike de Leon on films such as Kakabakaba Ka Ba? (Thrilled) (1980), Kisapmata (In the Wink of an Eye) (1981), Batch ’81 (1982), and Bayaning 3rd World (3rd World Hero) (1999). He also wrote and directed Pepot Artista (Pepot Superstar) (2005), which garnered the Best Film award at the first Cinemalaya Independent Film Festival.
del Mundo’s scholarly contributions include several authoritative books on Philippine mass media and cinema, most recently Disconnected Media and Other Essays (DLSU Press, 2024) and Ang Daigdig ng mga Api: Remembering a Lost Film (DLSU Press and FDCP, 2022). A staunch advocate of film archiving, he also serves as the President Emeritus of the Society of Filipino Archivists for Film (SOFIA). In 2024, del Mundo was conferred with the “Parangal ng Sining” (Honor of the Arts) Lifetime Achievement Award by the Film Development Council of the Philippines (FDCP). (Corresponding author: clodualdo.delmundo@dlsu.edu.ph)