Mula Pelikula Tungo sa Pagkamulat Tungo sa Pag-aklas
ABSTRACT: The essay examines the transformative power of cinema in narrating and inspiring revolutionary movements, focusing on the Filipinos’ struggle against various colonial and authoritarian regimes. Utilizing Getino and Solanas’ notion of “Third Cinema,” the essay explores how film transcends mere entertainment to become a potent tool for social change and political enlightenment. By surveying key cinematic works that depict the Philippine revolutions against Spanish, American, and Japanese colonization, as well as the resistance against martial law, the essay highlights the unique capacity of cinema to educate, mobilize, and galvanize oppressed communities. It underscores the enduring relevance of revolutionary storytelling in film as a catalyst for awareness and action, fostering a deeper understanding of historical and contemporary struggles for freedom and justice. Keywords: Philippine cinema, Third cinema, postcolonialism, film genres, martial law May kasabihang nagsasaad na ang kasaysayan ay sinusulat ng nagwagi sa digmaan. Sa larangan ng pelikula, ang kasaysayan ay nasa kamay ng may hawak ng kamera. Gayon nga ang nangyari sa ating kasaysayan ng pelikula. Nang lumabas sa New York Times ang balitang sinakop ng Estados Unidos ang Pilipinas at nagkaroon ng sagupaan sa iba’t ibang sulok ng bayan, agad gumawa ng kanilang istorya ang mga alagad ng Edison Films. Gumawa agad ang Edison Films ng kanilang mga pelikula ng mga engkwentro sa pagitan ng mga Amerikano at Pilipino, mga pelikulang hango sa kanilang imahinasyon. Kailangang ipalabas agad sa mga manonood ang tagumpay ng Amerika sa ibayong dagat, kaya di na hinintay na makarating sa Pilipinas ang mga cameraman ng Edison Films. Ginawa ang maiikling pelikulang ito sa New Jersey. Sa mga pelikulang ito, matagumpay na iwinawagayway ang bandila ng Estados Unidos. At ang mga sundalong Pilipino ay laging talunan. Bagsak ang kanilang bandila na isang kapirasong tela lamang na mahirap uriin dahil hindi pa alam ng mga Amerikano kung ano ang itsura ng bandila ng bayang sinasakop nila. Ang ganitong istorya ang karaniwang takbo ng mga maiikling pelikulang Edison, gaya ng Advance of Kansas Volunteers at Caloocan (White, 1899), U.S. Troops and Red Cross in the Trenches at Caloocan (White, 1899), Filipinos Retreat from Trenches (White, 1899), at Capture of Trenches at Candaba (White 1899). May istorya ring nilangoy ng isang Col. Funston ang ilog sa Bagbag, isang maliwanag na pagmamalaki ng kagitingan ng sundalong Amerikano (White, “Col. Funstan [sic] Swimming the Baglag [sic] River,” 1899). Kinunan din ang mga sundalong Amerikano na lulan sa malalaking bapor patungong Pilipinas – at ang tinaguriang “navy” ni Emilio Aguinaldo na lulan sa maliliit na bangka (White, “Troop Ships for the Philippines,” 1898; “Aguinaldo’s Navy,” 1900). Minaliit ang Pilipino, pinalabas na talunan sa kathang pelikula. Nang matutunan ng Pilipino ang kamera at paggawa ng pelikula, nagkaroon ng pagkakataon ang Pilipino na ilahad ang kanyang istorya. Isa sa mga pangunahing direktor na Pilipino noong dekada 1920 ay si Julian Manansala. Kung titingnan ang mga titulo ng kanyang mga pelikula, mukhang tinalakay niya ang mga isyung mahalaga sa bayan noong panahong iyon. Ang kanyang unang pelikula na pinamagatang Patria Amore (1929) ay naging kontrobersyal sapagkat tinalakay nito ang mga pang-aabusong naranasan ng mga Pilipino sa kamay ng mga Kastila. Nabahala diumano ang komunidad ng mga Kastila at sinubukan nilang ipatigil ang pagpapalabas nito ngunit hindi sila pinagbigyan ng korte (Salumbides, 1952, p. 15) Sa kasamaang-palad ay walang kopya ng pelikulang ito, kaya walang masasabi tungkol sa nilalaman ng pelikula at ng kalidad nito. Mula noon, hindi na napigil ang pagsasapelikula ng mga istorya, damdamin, at pangarap ng Pilipino. Sa listahan ng mga pelikula ng iba’t ibang kompanya sa ating bayan na ginawa ng Society of Filipino Archivists for Film (SOFIA) para malaman ang kalagayan ng mga pelikulang Pilipino, umabot sa mahigit 3,000 pelikula ang filmograpiya. Iba’t ibang uri ng pelikula ang nasa listahan, iba’t ibang genre. May mga kopyang mapapanood pa; ngunit ang kalagayan ng ibang pelikula ay nakalulungkot. Ang iba’y hindi na kumpleto; ang iba’y masama na ang kondisyon at amoy suka na (ang tinatawag na “vinegar syndrome”); ang iba’y wala na. Bukod sa listahan ng SOFIA, tiningnan ko rin ang URIAN, ang antolohiya ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, na may filmograpiya ng mga pelikulang ginawa sa bawat dekada, mula dekada ’70 hanggang ’90. Kung pag-aaralan ang pelikula at ang pakikipaghamok ng Pilipino para sa kalayaan at pagbubuo ng isang bayan, marami-rami ring halimbawa ang magagamit. Maaaring ikategorya ang mga pelikulang ito sa sumusunod: 1) panahon ng kolonisasyon sa ilalim ng Espanya hanggang sa pumasok ang Estados Unidos at pinamahalaan ang bayan; 2) panahon ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig at mga sumunod na dekada; 3) panahon ng diktadurya sa ilalim ni Marcos; at 4) mga pelikulang tinatalakay sa kasalukuyang panahon ang isyu ng kalayaan, bayan, di pagkakaisa, at kawalan ng katarungan. Unang Kategorya Ang unang kategorya ay may kinalaman sa panahon ng kolonisasyon sa ilalim ng Espanya, at patuloy na paghahari ng Estados Unidos. Mula sa mga pelikulang LVN, kabilang sa kategoryang ito ang Dagohoy (1953), sa direksyon ni Gregorio Fernandez, at Lapu-Lapu (1955), sa direksyon ni Lamberto Avellana. Noong dekada ’60, ginawa naman ni Gerardo de Leon ang Noli Me Tangere (1961) at El Filibusterismo (1962), ang kanyang pagsasapelikula ng dalawang nobela ni Jose Rizal. Mula sa dekada ’70, maaring isama ang Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? (1976), sa direksyon ni Eddie Romero. Noong sentenyal ng kamatayan ni Rizal ay ginawa ang Rizal sa Dapitan (1997), sa direksyon ni Tikoy Aguiluz; Jose Rizal (1998), sa direksyon ni Marilou Diaz-Abaya; Bayaning 3rd World (1999), sa direksyon ni Mike de Leon. Sa mga pelikulang mula sa bagong milenyo, mabibilang ang Heneral Luna (2015) at Goyo: Ang Batang Heneral (2018), kapwa sa direksyon ni Jerrold Tarog. Pangalawang Kategorya Pagkatapos ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig, di kataka-takang ilang pelikula ang ginawa na tumatalakay sa panahong iyon. Ilan sa mga pelikulang ito ay ginawa ng LVN. Tinatag ang LVN noong taong 1938, ngunit natigil ang produksyon nang mag-umpisa ang digmaan. Bumangon ang LVN at ilan pang kompanya ng pelikula mula sa abo ng giyera noong kalagitnaan ng dekada ’40. Ilan sa mga pelikulang ginawa ng LVN
Mula Pelikula Tungo sa Pagkamulat Tungo sa Pag-aklas Read More »