May isang eksena sa kalagitnaan ng 12 Weeks kung saan si Alice (Max Eigenmann), isang 40 anyos na babae na nagta-trabaho sa NGO, ay nagaayos ng mga damit pambata na bigay sa kanya ng kanyang nanay na si Grace (Bing Pimentel). Nasa loob siya ng kanyang kwarto, gabi, at tahimik ang eksena. Katatapos lang nilang mag-ina na maghapunan. Isa-isa niyang pinagmamasdan ang mga damit na dapat sana’y para sa kanya noong sya ay bata pa. Hindi na ito naipadala ni Grace noon habang siya ay namamasukan sa Hong Kong. Ilang saglit pa at tumunog ang kanyang alarm sa cellphone na nagpapaalala ng kanyang appointment para ipalaglag ang kanyang pinagbubuntis. Tinapik ni Alice ang kanyang cellphone upang tumigil ang alarm, hudyat ng pagbabago ng kanyang isip. Sa sumunod na eksena, ibinalita nya sa kaibigang si Lorna (Claudia Enriquez) na hindi sya nakarating sa appointment. Naisip niyang kaya rin niyang maging nanay.
Ang 12 Weeks ay naka-sentro sa naratibo ni Alice at ang kanyang mga pinagdaanan sa kanyang pagbubuntis at paghahanda na maging isang ina. Binibigyang-pansin ni Anna Isabelle Matutina, ang direktor at manunulat, ang mga middle-aged women na hindi madalas pagtuunan ng pansin ng ibang mga pelikula. Karamihan kasi sa mga pelikulang popular ay tungkol sa mga love story ng mas nakababatang mga babae. Bagaman may halaga rin ang ganitong mga pelikula dahil naglalaman din naman sila ng mga diskurso tungkol sa pagkababae sa lipunang Pilipino, sa huli ay karaniwang napapaloob din ang babae sa patriyarkal na lohika ng lipunan; halimbawa nito ang dominanteng naratibo ng mga heteronormative na relasyon na mauuwi sa kasalan. Sa 12 Weeks, malinaw ang pagsalungat ng naratibo ni Alice sa mga kahingian sa mga babae sa isang patriyarkal na lipunan.
Sa eksenang nailarawan sa itaas, maaaring sabihing ang 12 Weeks ay nagpapakita ng esensyalistang pananaw na ang pagiging ina ang puno’t dulo ng pagiging babae. Ngunit sa konteksto ng pelikula, ang desisyon ni Alice na ituloy ang pagbubuntis ay isang paraan na maibalik nya sa sarili ang kontrol sa kanyang katawan, kapalaran, at kinabukasan. Nang una niyang malaman ang pagbubuntis, gusto nyang ipalaglag ito. Hindi lamang dahil hiwalay na sila ng magiging tatay na si Ben (Vance Larena), isang lalaking walang permanenteng trabaho sa umpisa ng pelikula. Ito ay dahil wala siyang buong kontrol sa nangyari. Marahil sa isip niya’y kapag tinuloy niya ang pagbubuntis ay para lamang niyang sinusundan ang iskrip ng tadhana ng babae sa lipunan. Ang pagkonsulta niya sa isang abortion doctor na nirekomenda ng kanyang matalik na kaibigang si Lorna ay simbolo rin ng kanyang pag-angkin ng kontrol sa kanyang katawan at buhay. Hindi niya kinonsulta si Ben dito na naging karagdagang sanhi ng kanilang pagaaway.

Figure 1. Si Max Eigenmann sa 12 Weeks (Matutina, 2022)
Mukhang simple ang plot ng pelikula, pero nilamnan ni Matutina ang naratibo ng women solidarity. Una na rito ang pagkakaibigan nina Alice at Lorna. Suportado ni Lorna si Alice sa kanyang mga desisyon, pero hindi rin sya nangingiming pagsabihan ang kaibigan kapag ito’y nagmamatigas ang ulo. Katulad na lamang noong nagpupumilit si Alice bumiyahe pa-Mindanao habang may martial law dahil sa kakatapos lang na Marawi Siege. Dahil nasa unang trimester pa si Alice ay delikado ang pagbabyahe lalo na sa kanyang edad. Maging ang kanyang boss na si Gus (Nor Domingo) ay pinagbawalan din siya noong una. Ayaw pumayag ni Alice, marahil dahil na rin nanggaling ang atas sa isang lalaki. Nagbago na lamang ang kanyang isip ng paliwanagan siya ni Lorna.
Ang pangalawang naratibo ng women solidarity ay sa pagitan ni Alice at ng kanyang ina na matagal na napalayo sa kanya. Ang pagbubuntis ni Alice ay nagbukas ng oportunidad na mapalapit sila sa isa’t-isa. Batid ni Grace ang pinagdadaanan ng anak sa pagbubuntis. Ikinuwento rin nya kay Alice na minsan na rin nyang tinangkang ipalaglag siya noong pinagbubuntis niya nito. Walang ma-dramang reaksyon si Alice, siguro dahil pang-ilang beses na niyang narinig ito? Katulad ni Lorna, hinayaan ni Grace magdesisyon ang anak para sa sarili, ngunit siya bilang magiging lola ay gumagampan din sa kanyang tungkulin na bigyang giya si Alice sa kanyang pagdedesisyon.
Malaman ang performance ni Bing at Max sa kanilang mga eksena. Laging kasama ni Grace sa eksena si Alice na sumisimbolo sa pagbibigkis ng mga babae dahil sa magkaparehong danas. Kitang kita ito sa eksena sa kuwarto sa ospital sa dulo ng pelikula. Nakahiga si Alice matapos itong duguin. Dumating si Grace, tumabi kay Alice at yumakap sa anak. Bagaman kinayang mag-isa ni Alice na dalhin ang sarili sa emergency room ng ospital nang sya ay duguin, ipinakita ng eksena na may ginhawa sa presensya ng nagmamahal sa oras ng matinding kalungkutan.
Mahusay ring ginampanan ni Max Eigenman ang karakter ni Alice. Dinala niya ang pelikula mula umpisa hanggang huli, katuwang ang iba pang mga babaeng karakter sa pelikula: sina Lorna at Grace. Naipakita ni Max ang lalim at complexity ng emosyon ng isang babaeng may dinadalang mga problemang personal at propesyonal. Ramdam ng manonood ang inis at galit ni Alice, gayundin ang kanyang pag-aalala at pagmamahal sa kaibigan, maging sa kanyang ina kahit na ito ay pigil at may distansya. Ang paggamit ng realist aesthetics ay nagbigay din ng panibagong biswal na paglalahad ng naratibo ng kababaihan na kadalasa’y nakapaloob sa estetiko ng melodrama.
Sa dulo ng pelikula, may isang maikling eksena kung saan si Max ay nasa loob ng ospital. Sa background ay maririnig ang iyak ng sanggol. May tekstong “1977, Cotabato City” na nagpapahiwatig na ginagampanan ni Max ang papel ni Grace noong nanganak sya kay Alice. Maya-maya’y may Muslim na babaeng nag-abot ng sanggol kay Grace. Pinagmasdan nya ito. Walang tuwa sa kanyang pagtitig sa anak, kundi pagaalala. Marahil iniisip nya kung ano ang kinabukasang aabutan ng kanyang anak lalo na at ipinanganak ito noong 1977 sa ilalim ng batas militar ni Marcos at kung kailan sumiklab ang pagaalsa ng bagong buong MILF sa Mindanao dahil sa di pagtanggap sa kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng MNLF at gobyerno.
Kabaligtaran ang eksenang panganganak ni Grace sa sinundang eksena kung saan nakunan si Alice, pero ang dalawang eksena’y pinagdurugtong ng kasaysayan ng bansa. Parehong nasa ilalim ng batas militar ang bansa sa panahon ni Alice at ng kanyang ina, parehong may giyera. Ibig sabihin parehong nangingibabaw ang militaristikong lohika ng dahas at agresyon na ginagampanan ng mga kalalakihan. Nasa poder din ang mga tinaguriang “strongman” na mga presidente, si Marcos Sr. at Duterte, mga imahe ng machismo. Ang nangyayari sa bansang may giyera at pamamayani ng military culture ay mga malalaking pwersang balakid sa pag-usad ng pagsulong ng mga karapatan ng babae. Kung mas malinaw lang itong naihabi sa naratibo ng pelikula ay mas magiging epektibo at malakas ang posisyon ng pelikula tungkol dito. Ang nangyari ay mas natuon sa pakikibakang personal ni Alice ang naratibo. Mas napahusay pa sana kung naging kasing igting din ang representasyon ng pagiging humanitarian worker ni Alice. Karamihan ng eksena’y nangyayari sa gabi, pagkatapos ng trabaho ni Alice, at ito ay nagpapakita na ang tuon ng pelikula ay mas sa personal na buhay ni Alice. Ngunit, ayon sa ibang sektor katulad ng mga second wave feminists, ang personal ay pulitikal.
Gayundin, ang karakterisasyon ng mga kalalakihan sa pelikula ay mas maaari ring dagdagan ng nuance upang mabalanse ang diskurso ng relasyon ng mga kasarian. Halimbawa, hindi lamang sila tumatayo bilang mga representasyon ng authority (boss ni Alice), katamaran at pagiging iresponsable (Ben), o di kaya nama’y mga tradisyonal na pananaw (kapitbahay). May lalim din sana ang kanilang mga karakter nang sa gayon ay mas tumingkad pang lalo ang karakter ni Alice. Sa teknikal na aspeto, isang maliit na puna at suhestiyon na mas pinuhin ang editing upang maiwasan ang mga kamalian sa continuity. Halimbawa ay ang eksena lagpas sa isang oras kung saan umuwi si Alice galing sa trabaho at nadatnan si Ben sa bahay niya na naglalaro ng video games.
Sa kabuuan, mahalaga ang pelikulang 12 Weeks sa pagpapayabong ng mga pelikulang gawa ng at para sa mga kababaihan. Naipapakita nito ang iba’t-ibang lalim ng mga personal na pinagdadaanan ng mga middle-aged na kababaihan na hindi madalas naiku-kwento sa pelikula. Matagumpay ang proyekto ng direktor na ilahad sa pamamagitan ng kwento ni Alice ang kakaibang lakas ng damdamin ng babae (emotional strength) na kayanin ang mabibigat na karanasan sa ilalim ng patriyarkal na lipunan.
ABOUT THE AUTHOR:
Katrina Ross A. Tan is the Chair of the Department of Humanities, College of Arts and Sciences, University of the Philippines-Los Baños. She holds a PhD in Film, Media, and Communications from the School of Media, Film, and Journalism at Monash University, Australia, and an MA in Media Studies, Major in Film from the University of the Philippines-Diliman. She founded Pelikultura: The Calabarzon Film Festival and has served as a festival programmer for Cinema Rehiyon. Currently, she is a member of the National Committee on Cinema (NCC) of the National Commission for Culture and the Arts (NCCA) and the Manunuri ng Pelikulang Pilipino, the film critics group that organizes the annual Gawad Urian. (Corresponding author: katan@up.edu.ph)